Monday, August 17, 2015

Pinakakain ng Diyos

Jesus, nananalig ako sa iyo!

Sa taong ito, ang mga pagbasa ay kinukuha sa Mabuting Balita ayon kay San Marcos. Subalit dahil maigsi ang aklat na ito, naglalaan ang Simbahan ng nararapat na panahon na pagnilayan ang mga kabanata sa aklat ni San Juan na tumutukoy sa misteryo ng Banal na Eukaristiya. Mabuting pagkakataon ito para maihanda natin ang ating mga sarili para sa pagdiriwang ng International Eucharistic Congress na gaganapin sa Cebu sa darating na Enero ng 2016.

Sa mabuting Balita sa araw na ito, sinabi ng ating Panginoong Hesus: “Gumawa kayo, hindi upang magkaroon ng pagkaing nasisira, kundi upang magkaroon ng pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Ibibigay ito sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat siya ang binigyan ng kapangyarihan ng Diyos Ama.” Lahat tayo ay naghahanap buhay upang magkaroon ng pagkain sa araw araw. Kahit mahirap, nagtratrabaho tayo dahil kailangan nating kumain para mabuhay. Sa kanilang paglalakbay sa disyerto patungo sa Lupang Pangako, walang pagkakataon ang mga Israelita na magtanim at mag-ani ng kanilang makakain dahil sa patuloy nilang paglilipat sa ibat ibang mga lugar. Dahil dito, nagbigay ang Diyos sa kanila ng tinapay na nagmumula sa langit tuwing umaga at mga pugo naman sa gabi. Ang Panginoon ang siyang nagpakain sa kanila sa buong apatnapung taon ng kanilang paglalakbay sa ilang. Anim na araw ang inilalaan natin sa paghahanap buhay upang kumita at mapakain natin ang ating mga pamilya. Subalit sa araw ng Linggo, lumiliban tayo sa paghahanap buhay upang makadalo sa Banal na Misa. Sa pagdiriwang ng Misa, ginagawa sa atin ng Diyos ang kanyang ginawa para sa mga Israelita sa kanilang paglalakbay sa ilang. Sa Misa, hindi tayo ang gumagawa para makakain. Bagkus, sa Misa, ang Diyos mismo ang nagpapakain sa atin.

Ipinaliwanag ng ating Panginoong Hesus: “Ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na pagkaing mula sa langit.” At ang pagkaing bigay ng Diyos, ang pagkaing bumaba mula sa langit, ang pagkaing nagbibigay buhay ay walang iba kundi si Hesus: “Ako ang pagkaing nagbibigay buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom, at ang nananalig sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman.”

Totoo na inihahain sa altar ang tinapay at alak na nagmumula sa lupa at bunga ng ating paggawa. Subalit ang mga haing ito ay hindi nagiging Eukaristiya hanggat hindi ito pinagbabago ng Diyos at ginagawang katawan at dugo ni Hesus. Tulad ng bata sa pagbasa noong nakaraang linggo, nagdadala tayo sa dambana ng tinapay na niluto natin mula sa trigo at alak na pinisa natin mula sa ubas. Ngunit ang mga dinala natin ay hindi ang Eukaristiya. Upang maganap ang Eukaristiya, kailangang kunin ng Panginoon ang ating mga handog at ang mga ito’y gawin niyang kanyang katawan at dugo. Ang pinagsasaluhan natin ay hindi tinapay at alak kundi ang katawan at dugo ng Diyos Anak. Ang Eukaristiya ay hindi tungkol sa pagdadala natin ng tinapay at alak. Ang Eukaristiya ay tungkol sa pagpanaog ni Hesus mula sa langit patungo dito sa dambana. Ang Eukaristiya ay tungkol sa pagpanaog ni Hesus sa altar upang maibigay niya sa atin ang kanyang sarili bilang pagkaing nagbibigay buhay. Kung nauunawaan lang natin ang tunay na kahulugan ng mga sinabing ito ni Hesus, pananabikan natin ang pagdalo sa Misa. Sasabihin natin kay Hesus ang sinabi sa kanya ng mga tao: “Panginoon, bigyan ninyo kami lagi ng pagkaing iyan.” Kung nakikilala lamang natin kung sino ang tinatanggap natin sa banal na Komunyon, mapapaluhod tayo sa harap ng dakilang misteryong tinatanggap natin. Ang tinatanggap natin sa banal na Misa ay hindi pangkaraniwang pagkaing nasisira. Ang tinatanggap natin sa banal na Misa ay hindi natin kayang bilhin mula sa pinagtuluan ng ating pawis.  Ang tinatanggap natin sa banal na Misa ay ang pagkaing bumaba mula sa langit, ang pagkaing bigay ng Diyos Ama, ang pagkaing nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Ito ay walang iba kundi si Hesus, ang pagkaing nagbibigay buhay. Sabihin natin sa kanya: “Panginoon, ibigay mo sa amin ang pagkaing iyan upang hindi na kami magutom o mauhaw kalian man.”


Ave Maria purissima, sin pecado concebida! 

No comments:

Post a Comment