Monday, August 17, 2015

Ang Halaga ng palagiang Pagsisimba

Hesus, nananalig ako sa iyo.

“Kumain siya at uminom at siya’y lumakas” – ito ang sinabi ng unang pagbasa tungkol kay Profeta Elias na sa simula’y halos mawalan na ng pag-asa dahil sa matinding pagod na kanyang nadama sa kanyang mahabang paglalakbay. Pinakain siya at pinainom ng isang anghel at dahil dito, nakapaglakbay pa siya nang mahaba patungo sa Horeb, ang bundok ng Panginoon. Kung paanong nagdulot ng pambihirang lakas kay Elias ang ipinakain at ipinainom sa kanya ng anghel, gayon din ang idinudulot ng pagkaing ibinibigay ng Panginoong Hesus sa atin: “Ang sinumang kumain ng pagkaing bumaba mula sa langit ay hindi mamamatay. Ako ang pagkaing bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailan man ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”

Pinalalakas tayo ng kinakain natin. Pinapawi nito ang ating gutom at uhaw hanggang sa susunod na kainan. Dahil batid natin ang kapakinabangang dulot ng pagkain at inumin kaya tinitiyak nating hindi tayo lumiliban sa oras ng pagkain…hindi tayo nagpapalipas ng gutom. Subalit kay dali para sa atin ang isantabi ang pagtanggap ng banal na Komunyon! Palibhasa, hindi natin kaagad agad nakikita ang idinudulot nitong pakinabang sa atin. Parang walang naidudulot na mabuti para sa atin ang pagtanggap sa katawan ni Kristo. At dito tayo nagkakamali. Sa oras ng ating kamatayan, matutuklasan natin ang maraming kabutihan na idinulot sa atin ng mga banal na Misa na ating dinaluhan. Sa oras ng ating kamatayan, ang mga Misa na taos puso nating dinaluhan ang siyang magdudulot sa atin ng aliw at pag-asa. Ang isang Misang dinaluhan natin habang nabubuhay tayo ay higit na makakatulong sa atin sa oras ng ating kamatayan kaysa maraming mga pamisang iaalay para sa atin matapos nating pumanaw.

Sinabi ng ating Panginoon kay Santa Gertrudes: “Makatitiyak ang sinumang taimtim na dumalo sa banal na Misa na ang dami ng mga Santo na isusugo ko sa kanya upang aliwin at ipagtanggol siya sa oras ng kamatayan ay magiging kasukat ng dami ng mga Misang taimtim niyang dinaluhan sa buong buhay niya.” Huwag nating kalilimutan na ang oras ng ating kamatayan ang magiging pinakamalaking laban natin sa buhay. Sa oras na iyon, ibubuhos ni Satanas ang lahat ng nalalaman niyang panlilinlang upang makuha niya ang ating kaluluwa. Kaya nga kakailanganin natin ang lahat ng makalangit na tulong para ipag-adya tayo mula sa lahat ng masama dahil diyan nakasalalay ang ating kaligtasan.

Sinabi ni San Juan Maria Vianney: “Kung nalalaman lamang natin ang halaga ng Banal na Misa, tiyak na magsusumikap tayo na dumalo at makinabang tayo dito.” At sinabi pa ni San Pedro Julian Eymard: “Kilalanin mo, O Kristiyano, na ang Misa ang pinakabanal na gawain ng Relihiyon. Wala kang magagawang anupaman upang higit na purihin ang Panginoon o higit na tulungan mo ang iyong kaluluwa  kaysa taimtim na pagdalo sa Misa.” Kaya nga nararapat lamang na ituring nating mapalad tayo tuwing may pagkakataon tayong makadalo sa Misa. Si Santa Maria Goretti, isang labindalawang taong gulang na bata, ay naglakad ng labinglimang milya para lang makapagsimba sa araw ng Linggo. Si Padre Pio ay nagdiwang ng Misa kahit na siya’y nilalagnat at dinudugo. Sa ating sariling buhay, dapat nating ituring ang banal na Misa na mas mahalaga kaysa iba pang mga bagay. Sabi ni San Bernardo: “Higit na pakikinabangan natin ang pagdalo sa isang Misa kaysa anupamang kawanggawa o paglalakbay sa buong mundo para lamang marating ang mga banal na lugar.” Dapat unahin natin ang pagsisimba kaysa iba pang mga libangan na pinag-aaksayahan natin ng oras ngunit hindi naman nakatutulong sa ating kaluluwa. (Nauubos ang oras mo sa COC…matutulungan ka ba niyan sa oras ng iyong kamatayan? Mabibigyan ka ba niyan ng buhay na walang hanggan?) Matuto tayong maglaan ng oras at magsakripisyo kung kinakailangan para makapagsimba at makapagkomunyon. Sinabi ni San Agustin: “Binibilang ng mga anghel ang lahat ng ating mga yapak kapag pumupunta tayo sa simbahan upang dumalo sa Misa at dahil diyan ay gagantimpalaan tayo ng Diyos sa buhay na ito at sa kabila.” Kaya kunin natin ang lahat ng pagkakataon para makapagsimba at tumanggap ng Banal na Komunyon. Mabubuhay kaylanman ang sinumang kumain ng Tinapay ng buhay!


Ave Maria Purissima, sin pecado concebida!  

No comments:

Post a Comment