Hesus, nananalig
ako sa iyo!
Sa unang linggo ng aking
paglilingkod sa parokyang ito, parang nananadya ang Panginoon sapagkat tungkol
sa mga pastol o pinuno ang mga pagbasa sa araw na ito. Sa unang pagbasa, binantaan
ng Panginoon ang mga suwail na pinuno na parurusahan niya ang mga ito sapagkat
“pinabayaan ninyo ang aking kawan. Hindi ninyo sila binantayan.” Upang
maremedyuhan ang pinsalang dinulot ng kapabayaan ng mga tiwaling pinuno, sinabi
ng Panginoon: “Hihirang ako ng mga pastol na magmamalasakit at mangangalaga sa
kanila. Hindi na sila muli pang daranas ng takot at agam-agam, at wala nang
maliligaw kahit isa.”
Ang mapagmalasakit na Pastol na
hinirang ng Diyos ay walang iba kundi ang kanyang Anak na si Hesus. Sa Mabuting
Balita ay nakita natin na nahabag si Hesus sa napakaraming taong nag-aantay sa
kanya sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At upang tugunan ang
kanilang pangangailangan, tinuruan sila ng Panginoon ng maraming bagay. Tingnan
ninyo kung paano ipinakita ng Panginoon ang malasakit niya sa mga tao: tinuruan
niya sila ng maraming bagay. (Dito tayo madalas magkulang sa ating pangangalaga
sa mga ipinagkatiwala sa ating pangangalaga…hindi natin tinuturuan ang mga ito
ng maraming bagay tulad ng ginawa ng Panginoon. Siguro magandang tanungin rin
natin ang ating mga sarili: naglalaan ba ako ng sapat na panahon na turuan ang
aking mga anak?) Higit pa rito, inialay ni Hesus ang kanyang buhay upang
iligtas tayong lahat at tipunin sa pagkakaisa ang mga anak ng Diyos na
pinagwatak watak ng kasalanan: “Winakasan niya ang alitan ng dalawang bayan,
kapwa ipinanumbalik sa Diyos at pinagbuklod sa iisang katawan. Naparito si
Kristo at ipinangaral sa lahat ang mabuting Balita ng kapayapaan…Dahil kay
Kristo, tayo’y kapwa makalalapit sa Ama sa pamamagitan ng Espiritu.”
Sa diwang ito nagsisimula ang
aking paglilingkod sa parokyang ito. Aaminin ko pong may kaunting pangamba
akong nadarama dahil sumusunod ako sa mga yapak ng mga batikang mga pastol na
naunang dumaan na sa kasaysayan ng parokyang ito. Minsan, tinatanong ko ang
Panginoon kung ano ba ang inaasahan niya sa akin sa pagdating ko rito. At
parang sa mga pagbasa ngayon, narining kong tumugon ang Panginoon sa tanong na
ito: “Hihirang ako ng mga pastol na magmamalasakit at mangangalaga sa kanila.”
Ito po ang hinihingi ko sa Panginoon: na sana bigyan niya ako ng biyaya upang
alagaan kayo nang may malasakit. Ipinagdarasal ko na matularan ko si Hesus at
kayo’y turuan ko rin ng maraming bagay. Hindi ko alam kung talagang
matutumbasan ko ang kakayanan ng mga nauna sa akin. Hindi ko alam kung
matutumbasan ko ang inaasahan ninyo sa akin. Kaya nga sa pagsisimula ng
paglilingkod ko sa inyo, humihingi ako
sa Panginoon hindi lamang ng karunungan at lakas kundi ng malasakit. Bigyan
sana ako ng Panginoon ng kaloobang tulad sa kanya: pusong maamo at
mahabagin…pusong may tunay na pagmamalasakit.
Ave Maria purissima, sin pecado
concebida!
No comments:
Post a Comment