Walang kaduda-duda na lubhang
napakalinaw, klarong klaro, ang sinabi ni Hesus kung ano ba itong pagkain na
ibinibigay niya para sa ikabubuhay ng mundo. Ito ay walang iba kundi ang
kanyang laman. Ano daw? Laman daw? Sa sobrang linaw ng kanyang sinabi, nagtalo
ang mga nakikinig sa kanya. Hindi nila pinagtalunan kung totoong narinig nila
na laman daw ni Hesus ang kanyang ipakakain. Ang pinagtalunan nila ay “Paanong
maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang laman upan kanin natin?” At para maging maliwanag sa lahat, apat na
ulit na ginamit ni Hesus ang mga salitang laman at dugo: 1. Malibang kanin
ninyo ang laman ng Anak ng Tao ay inumin ang kanyang dugo, hindi kayo
magkakaroon ng buhay; 2. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo
ay may buhay na walang hanggan; 3. Ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang
aking dugo ay tunay na inumin; 4. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng
aking dugo ay nananahan sa akin, at ako sa kanya.
Malinaw na malinaw na “ang
tinapay at alak ay nagiging katawan at dugo ni Kristo kaya masasabi na si Hesus
ay tunay na naririto sa sakramento.” (CCC, 1375) Itinuro ni San Juan
Chrysostomo: “Hindi ang tao ang nagdudulot ng pagbabago kaya ang iniaalay ay
nagiging katawan at dugo ni Kristo. Ang nagdudulot ng pagbabagong ito ay
mismong si Kristo na ipinako para sa atin. Ang pari na gumaganap sa papel ni
Kristo ang siyang bumibigkas ng mga salitang ito, subalit ang kapangyarihan at
biyaya ay sa Diyos. Ito ang aking
katawan, ang wika niya. Ang salitang ito ang nagdudulot ng pagbabago sa mga
alay.” Sa kapangyarihan ng Espiritu Santo at sa bisa ng salita ni Kristo, ang
tinapay at alak na dinala sa altar ay nagiging katawan at dugo ni Hesus. Ang
katawan at dugo, pati na ang kaluluwa at pagkaDiyos ng ating Panginoong
Hesukristo ay tunay na tinataglay ng kabanal-banalang sakramento ng
Eukaristiya. Sa madaling salita, ang buong Kristo ay tunay na nilalaman ng
sakramentong ito. (CCC, 1374) Bagama’t hindi nagbabago ang anyo ng tinapay at
alak, nagbabago ang kalikasan nito: ito ay nagiging katawan at dugo ni Hesus.
Buong buo si Hesus sa bawat uri (species) at bahagi ng banal na Sakramentio.
Kahit hatihatiin pa ang anyong tinapay, hindi nahahati si Kristo. (CCC, 1376) Kung
paanong naroroon si Hesus noong pinanganak siya sa Batlehem, kung paanong
naroroon siya noong namatay siya sa Kalbaryo, kung paanong naroroon siya at
naghahari sa langit, sa Misa, tunay na
naririto si Hesus sa anyo ng tinapay at alak. Naririto si Hesus upang ialay
niya ang kanyang sarili bilang kalugod lugod na handog sa Diyos Ama. Naririto
si Hesus upang makuha niya para sa atin ang kapatawaran ng ating mga kasalanan.
Naririto si Hesus upang makamit niya para sa atin ang lahat ng pagpapala at biyaya.
Sa madaling salita, naririto si Hesus upang maidulot niya sa atin ang mga bunga
ng kanyang kamatayan at muling pagkabuhay.
Kaya nga nakapagbibigay ng buhay
na walang hanggan ang sakramentong ito sa sinumang tatanggap nito ay sapagkat
ang kinakain at iniinom natin ay si Hesus, ang Diyos Anak. Ito rin ang dahilan
kung bakit buong paggalang natin tinatanggap siya sa banal na Misa. Hindi
pangkaraniwang pagkain, hindi ordinaryong pagkain at inumin ang iniaalay at
pinagsasaluhan natin sa Misa kundi ang katawan at dugo ni Kristo. Huwag natin
pagdudahan ito dahil ang mismong nagsabi na kinakain at iniinom natin ang
kanyang laman at dugo ay walang iba kundi si Hesus. Hindi siya marunong
magsinungaling. Hindi siya maaring magkamali dahil siya ang Daan, ang Katotohanan,
at ang Buhay.
Ave Maria Purissima, sin pecado
concebida!