Ang Pagpapahayag ng
Pananampalataya ni San Atanacio
Ang sinumang nagnanais ng
kaligtasan ay kailangang panghawakan nang higit sa lahat ang Pananampalatayang
Katolika.
Sapagkat malibang tanggapin niya
nang buong buo ang pananampalatayang ito, tiyak na mapapahamak siya
magpakailanman.
Ito ang itinuturo ng
Pananampalatayang katolika: sumasamba tayo sa iisang Diyos sa tatlo at sa tatlo
na iisa.
Hindi natin pinaghahalo ang mga
Persona, o kaya naman pinaghihiwalay ang pagkaDiyos.
Sapagkat iisa ang Persona ng Ama,
bukod naman ang sa Anak, bukod din ang Espiritu Santo.
Subalit nagtataglay ng iisang
pagka-Diyos ang Ama, at ang Anak, at ang Espiritu Santo, magkakapantay sa
kaluwalhatian, at pare parehong walang hanggan sa kamahalan.
Kung ano ang Ama, gayun din ang
Anak, at gayun din ang Espiritu Santo.
Walang lumikha sa Ama, walang
lumikha sa Anak, at walang lumikha sa Espiritu Santo.
Hindi masusukat ang Ama, hindi
masusukat ang Anak, at hindi masusukat ang Espiritu Santo.
Walang hanggan ang Ama, walang
hanggan ang Anak, at walang hanggan ang Espiritu Santo.
Subalit hindi tatlo ang umiiral
na walang hanggan kundi iisang umiiral na walang hanggan lamang.
Gayundin naman, hindi tatlo ang
umiiral na hindi ginawa ninuman, o kaya naman tatlo ang umiiral na di masusukat
ninuman, kundi iisa lamang ang umiiral na hindi ginawa at hindi masusukat
ninuman.
Ang Ama ay makapangyarihan sa
lahat, ang Anak ay makapangyarihan sa lahat, at ang Espiritu Santo ay
makapangyarihan sa lahat.
Subalit hindi tatlo ang umiiral
na makapangyarihan sa lahat kundi iisa lamang ang umiiral na makapangyarihan sa
lahat.
Kaya nga ang Ama ay Diyos, ang
Anak ay Diyos, at ang Espiritu Santo ay Diyos.
Subalit hindi tatlong Diyos kundi
iisang Diyos lamang.
Ang Ama ay Panginoon, ang Anak ay
Panginoon, at ang Espiritu Santo ay Panginoon.
Ngunit hindi tatlong Panginoon
kundi iisang Panginoon lamang.
Sapagkat obligado tayo ng
katotohanang Katoliko na kilalanin na Diyos at Panginoon ang bawat Persona,
subalit pinagbabawalan naman tayo ng relihiyong Katoliko na sabihin na may
tatlong Diyos o Panginoon.
Kaya nga iisa ang Ama, hindi
tatlong Ama; iisa ang Anak, hindi tatlong Anak; iisa ang Espiritu Santo, hindi
tatlong Espiritu Santo.
Sa tatlong Personang ito, walang
nauuna at walang nahuhuli, walang nakahihigit at walang nagkukulang. Ang
tatlong Persona ay pare parehong walang hanggan at magkakapantay.
Upang sa lahat ng bagay, dapat
sambahin ang iisa sa tatlo, at ang tatlo sa iisa.
Ang sinumang nais maligtas ay
kailangang sumampalataya sa tatlong Persona sa iisang Diyos.
Gayundin naman, upang maligtas
ang isang tao, kailangang sumampalataya rin siya sa pagkakatawang tao ng ating
Panginoong Hesukristo.
Ang tamang pananampalataya ay ang
pananalig at pagpahayag natin na ang ating Panginoong Hesukristo, ang Anak ng
Diyos, ay Diyos at tao.
Bilang Diyos, sumilang siya mula
sa Ama bago magkapanahon. Bilang tao, sumilang siya sa panahon mula sa kanyang
ina.
Siya ay Diyos na totoo at taong
totoo na may kaluluwang makatwiran at katawan ng tao.
Kapantay niya ang Ama sa
pagka-Diyos, ngunit mababa sa Ama sa kanyang pagka-tao.
Bagamat siya ay Diyos at tao,
hindi siya dalawa kundi iisang Kristo.
At siya ay iisa, hindi dahil
naging tao ang kanyang pagka-Diyos, kundi dahil ang kanyang pagka-tao ay inari
ng kanyang pagka-Diyos.
Siya ay iisa hindi sa pamamagitan
ng paghahalo ng kanyang pagka-Diyos at pagka-tao, kundi dahil iisa ang kanyang
Persona.
Kung paanong ang kaluluwa at
katawan ay iisang tao, gayundin naman, ang Diyos at tao ay iisang Kristo.
Namatay siya para sa ating
kaligtasan, pumanaog sa impiyerno, at muling nabuhay sa ikatlong araw.
Umakyat siya sa langit, at
naluluklok sa kanan ng Diyos Amang makapangyarihan. Mula roo’y paririto siya at
huhukom sa mga nabubuhay at ang mga nangamatay na tao.
Sa kanyang pagbabalik, ang lahat
ng tao ay babangon sa kanilang mga katawan, at magsusulit sila ng kanilang mga
gawa.
Ang mga gumawa ng mabuti ay
pupunta sa buhay na walang hanggan; at ang mga gumawa ng masama ay sa apoy na
walang hanggan.
Ito ang pananampalatayang
Katoliko. Dapat itong matibay at palagiang panaligan ng lahat; kung hindi, ay
hindi sila maliligtas. Amen.