Thursday, December 25, 2014

Dayuhan sa mga Makamundong Bagay

PURIHIN SINA HESUS, MARIA AT JOSE!

Isang pagpapatala ng buong mundo ang iniutos ng Emperador Augusto kaya naglakbay si Jose, kasama ang kanyang maybahay na si Maria, patungong Bethlehem dahil si Jose ay mula sa lipi ni Haring David. Dahil sa pagpapatalang nagaganap, lubhang napakaraming tao noon sa bayan kaya nga walang lugar para sa mag-asawa sa panuluyang bayan. Wala nang lugar para sa kanila sa panuluyang bayan: makahulugan ito dahil ito’y lalong naglarawan ng sinabi ni San Juan sa pasimula ng kanyang sinulat na Mabuting Balita: Nasa sanlibutan ang Salita. Nilikha ang sanlibutan sa pamamagitan niya ngunit hindi siya nakilala ng sanlibutan. Naparito siya sa kanyang bayan ngunit hindi siya tinanggap ng kanyang mga kababayan (Jn. 1:11). Walang lugar para sa Manunubos ng sanlibutan. Ang lahat ng bagay ay nilikha sa kanya (Col 1:16), ngunit walang lugar para sa kanya. “May lungga ang asong gubat, may pugad ang mga ibon, subalit ang Anak ng tao ay wala man lamang mapagpahigaan at mapagpahingahan.” (Mt. 8:20) Siya ay sumilang sa labas ng lunsod at ipinako rin siya sa krus sa labas ng lunsod (Heb 13:12). 

Itinuring siyang tagalabas, isang dayuhan sa sanlibutan. Mula pa sa kanyang pagsilang, naging dayuhan siya, tagalabas sa larangan ng mga itinuturing na mahalaga at makapangyarihan sa pamatayan ng sanlibutan. Subalit ang tila walang halaga at hindi makapangyarihang sanggol na ito ay mapatutunayang siyang nagtataglay ng tunay na kapangyarihan, nakasalalay sa kanya ang lahat ng bagay. Ang santinakpan ay nilikha sa pamamagitan niya at para sa kanya. Niloob niyang sumilang sa labas ng lunsod dahil ang lahat ng mga itinuturo niya ay sumasalungat sa mga pinahahalagahan ng sanlibutan. Sa pagparito niya sa ating kasaysayan, iniwaksi niya ang lahat ng makamundong kayamanan at kapangyarihan. Sumilang siyang wala ni anuman maliban sa lamping ipinambalot sa kanya ng kanyang ina. Hindi siya humiga sa malambot na kama. Bagkus ang dayami ng isang sabsaban ang naging pahingahan niya. Hindi siya sumilang sa isang sikat na angkan ng mga maykapangyarihan sa panahong iyon. Bagkus, sumilang siya sa isang angkan na pinaglipasan na ng panahon, ang lipi ni David. Dati, sila ang makapangyarihan, ngunit hindi na ngayon. Ang naghahari ay isang dayuhang emperador na nagtalaga ng isang tau-tauhan sa pagkatao ni Herodes. Ginawa ito ng Panginoon upang ipakita na ang lahat ng mga pinahahalagahan ng mundo ay mga huwad na kayamanan at huwad na kapangyarihan. Siya ang tunay na liwanag ng mundo at pinapasok niya ang sanlibutan upang punitin ang kadilimang nagkukunwaring liwanag.  

Kaya nga ang sinumang nagnanais na sumampalataya at sumunod sa kanya ay kailangang tumalikod at iwanan ang lahat ng mga bagay na inaakala ng sanlibutan na mahalaga upang makilala niya ang katotohanan ng ating pagkatao at sa liwanag niya ay matagpuan natin ang tamang landas.

Upang makita natin siya, kailangang lumabas tayo sa lunsod. Kailangang sadyain natin siya na sumilang sa labas ng bayan. Hindi natin siya makikita sa gitna ng mga nagniningning at kumukutitap na ilaw ng lunsod. Hindi natin siya mapapansin hanggat hindi natin inilalayo ang ating sarili sa mga mapanlinlang at pansamantalang mga kaligayahan ng mundong ito. Hanggat hindi natin tinatalikuran ang lahat, hindi tayo magiging karapat dapat sa kanya. Kaya nga sa gabing ito, magtungo tayo sa Belen. Huwag tayong palilinlang sa mga huwad na liwanag. Ang gabing ito ay pinagningning ng liwanag ng mga anghel. Pakinggan natin ang kanilang sinasabi: Sa gabing ito sumilang sa inyo ang inyong Tagapagligtas, si Kristong Panginoon. Ito ang Mabuting Balitang magdudulot ng kagalakan sa lahat ng tao. Ito ang Mabuting Balitang magdudulot ng tunay na kagalakan. Wala ito sa kayamanan. Wala ito sa kapangyarihan. Wala ito sa makamundong kaaliwan. Bagkus, ito’y matatagpuan lamang sa kanya na sumilang ngayon bilang isang abang sanggol. Naparito siya upang bigyan tayo ng buhay, ng tunay na buhay, ng buhay na walang hanggan. Halina sa Belen. Halina at siya’y ating sambahin. 

Hesus, nananalig ako sa iyo. Ave Maria purisima, sin pecado consebida. 

No comments:

Post a Comment