Tuesday, April 10, 2012

Sa Gabi ng Muling Pagkabuhay


PURIHIN SINA HESUS, MARIA, AT JOSE!

Natatandaan ninyo marahil ang salaysay ng pagpapakasakit ng Panginoon mula kay San Marcos. Ito ang binasa sa atin noong nakaraang Linggo ng Palaspas. Sa kuwento tungkol sa pagdakip kay Hesus sa hardin, sa gitna ng kaguluhan ay may lumitaw na isang katakatakang tao. Ang sabi ni San Marcos: “Sinundan si Hesus ng isang binatang walang damit sa katawan maliban sa balabal niyang kayong lino. Sinunggaban siya ng mga tao, ngunit iniwan niya ang kanyang balabal at tumakas na walang kadamit-damit.” Maraming ispekulasyon kung sino ang nasabing binata. May nagsasabing ito raw ay ang manunulat ng ebanghelyo na si San Marcos ngunit hindi ito sinasang-ayunan ng iba pang mga dalubhasa sa Banal na Kasulatan. Sino ba ang binatang ito at ano ang ginagawa niya sa hardin? Bakit wala siyang saplot sa katawan? Dalawang detalye ang mahalagang tingnan: ang hardin at ang kawalan ng saplot. Hindi ba pinaalala nito ang hardin ng Eden – ang paraiso na kung saan matapos kainin nina Adan and Eba ang bungang ipinagbabawal ay natuklasan nilang wala silang saplot sa katawan? Ang binatang walang saplot sa katawan ay kumakatawan sa mga anak ni Adan at Eba na matapos pakinggan ang salita ni Hesus ay nagnanais na sumunod sa kanya. Tulad ng kanilang ninuno na sina Adan at Eba na iniwan ng kasalanan na hubad sa biyayang nagpapabanal, ang lahat ng tao ay isinilang na hubad sa kaluwalhatian ng Diyos. “All men have sinned and are deprived of the glory of God,” sinabi ni San Pablo sa isa sa kanyang mga sulat. Ito ang kasukdulal ng karalitaan: ang mahubaran ng saplot ay isang malaking kahihiyan. Ito’y palatandaan ng kawalan ng dangal bilang tao.

Sa umaga ng muling pagkabuhay, muling lumitaw ang binata. Siya ang natagpuan ng mga babae sa libingan: “Pagpasok nila sa libingan, nakita nilang nakaupo sa gawing kanan ang isang binatang nararamtan ng mahaba at puting damit.” Kung dati’y wala siyang saplot, ngayon, nararamtan siya ng puting damit. Kung dati’y takot siyang tumakas sa kadiliman, ngayon, siya pa ang nagsasabi sa mga babae, “Huwag kayong matakot.” Noon, siya ay nasa hardin. Ngayon, siya ay nasa loob ng libingan. Ano ang nagdulot sa kanya ng malaking pagbabagong ito? Ang lugar kung saan siya natagpuan ng mga babae ang magsasabi sa atin kung ano ang nangyari sa kanya. Ang libingan ni Hesus kung saan siya natagpuan ay nagtuturo sa atin tungkol sa sakramento ng Binyag na kung saan nakikibahagi tayo sa paglilibing ni Kristo upang makibahagi tayo sa kanyang muling pagkabuhay: “We died and were buried with Christ in baptism” (Rom 6:4; Col 2:12) At sa gabing ito ng muling pagkabuhay, katulad ng nasabing binata, natatagpuan tayo sa loob ng libingan ni Hesus. At nararapat lamang na tayo ay naririto. Sa pamamagitan ng sakramento ng Binyag, namatay na tayo at nailibing kasama ni Kristo. Ang misteryo ng kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesus ay hindi mga pangyayaring pinagmasdan lamang natin ngunit hindi natin kinasangkutan. Mayroon tayong pakikibahagi sa misteryong ito. Ang kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesus ay nangyari sa atin noong tayo ay bininyagan. At ang binyag ay hindi lamang isang ritwal na sumasagisag ng mga pagbabagong dapat nangyari. Ang binyag ay isang tunay na kamatayan, isang tunay na paglilibing, isang tunay na muling pagkabuhay. Ang namatay ay ang ating lumang pagkatao. At ang buhay Kristiyano ay isang patuloy na karanasan ng kamatayan sa sarili. Ang sinumang nagnanais na sumunod kay Hesus ay kailangang mamatay sa sarili, itatwa ang sarili, pasanin ang krus at sumunod sa kanya. Ang nagmamahal sa kanyang buhay ay lalong mawawalan nito. Subalit ang mawalan ng buhay dahil sa mabuting balita ay lalong magkakamit nito. Isang Pasko ng Pagkabuhay ang muling sumapit sa atin. Subalit ang tanong: namatay na ba ako sa aking sarili? Itong nakaraang Biyernes Santo, nakita ko na marami ang may debosyon sa patay na Hesus. Ngunit nalulungkot lamang ako na ang debosyong ito ay hanggang debosyon lamang at hindi isinasabuhay sapagkat ang sariling kagustuhan pa rin ang lagi nating pinaiiral. Ang sariling kalooban lang natin ang lagi nating sinusundan. Ang sariling tinig lamang natin ang gustong pakinggan. Kung makapagsasalita lamang sana ang imahen ng bangkay ni Hesus, malamang sasabihin niya sa atin na ang tunay na pagdedebosyon sa kanya ay ipinapakita ng pagiging handa na mamatay sa sarili, pagtatwa sa sariling kalooban. Ang kamatayan sa sarili lamang ang daan patungo sa muling pagkabuhay. Ang mga nakibahaging tunay sa kamatayan ni Hesus ang siyang makakaranas ng tunay na pagbangon sa bagong buhay.

Maligayang Pasko ng Pagkabuhay sa inyong lahat!

Ave Maria purissima.

No comments:

Post a Comment