Thursday, April 5, 2012

Pag-ibig hanggang Wakas


Purihin sina Hesus, Maria, at Jose!

“Alam ni Hesus na dumating na ang oras ng kanyang paglisan sa sanlibutang ito upang bumalik sa Ama. Mahal niya ang kanyang mga tagasunod na nasa sanlibutan, at ngayo’y ipakikita niya kung hanggang saan ang kanyang pag-ibig sa kanila.”

Sa pamamagitan ng Huling Hapunan, dumating na ang “oras” ni Hesus, ang pinakalayunin ng kanyang pagparito sa lupa. Ang kahulugan ng “oras” na ito ay inilarawan ni San Juan sa pamamagitan ng 2 konsepto: ito ang oras ng kanyang “paglisan” at ito ang oras ng pag-ibig hanggang wakas. Aalis na si Hesus at babalik na sa Amang nagsugo sa kanya. Gagawin niya ang kanyang pagtawid mula sa mundong ito patungo sa kanyang Ama. At sa pagtawid niyang ito, ipapakita niya sa atin ang hangganan ng kanyang pag-ibig para sa atin.

Paano niya ipinakita ito? Bumangon si Hesus, isinantabi niya ang kanyang damit, at nagbigkis ng tuwalya sa kanyang baywang at sinimulan niyang hugasan ang mga paa ng kanyang mga alagad. Pinaglingkuran ni Hesus ang kanyang mga alagad. Nagmistula siyang alipin. Hinubad niya ang kanyang karangalan bilang Diyos. Hindi tulad ni Adan na nagtangkang agawin para sa kanyang sarili ang karangalan ng Diyos, kumilos nang pasalungat si Hesus. Bumaba siya mula sa kanyang pagkaDiyos at siya ay naging tao. Kinuha niya ang anyo ng isang alipin at naging masunurin hanggang sa kamatayan sa Krus. Isinantabi niya ang karilagan ng kanyang pagkaDiyos; nagpakababa siya na para bang lumuhod siya sa bawat isa sa atin upang hugasan ang mga marurumi nating mga paa at gawin niya tayong karapat dapat na umupo sa hapag ng Panginoon. Sa aklat ng mga Pahayag ay nasusulat na hinugasan ng mga matuwid ang kanilang mga damit na pinaputi ng dugo ng Kordero (Rev. 7:14). Ibig sabihin lamang nito na ang pag-ibig ni Hesus hanggang kamatayan ang siyang naglilinis sa atin. Ang pag-ibig ni Hesus hanggang wakas ang humuhugas sa atin. Sa pamamagitan ng paghuhugas niya sa paa ng kanyang mga alagad, ipinakita ni Hesus na handa siyang bumaba at magpakaalipin upang hanguin tayo sa mapanlinlang nating pagmamataas at gawin niya tayong tunay na malinis at karapat dapat para sa Diyos.

“Naparito ako hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod, at ibigay ang aking buhay bilang pantubos sa marami.” Saan ka pa makakakita ng Diyos na ganito? Ang mga huwad na diyos ay laging sabik sa mga iaalay sa kanila ng kanilang mga mananampalataya. Subalit si Hesus ang nag-aalay ng kanyang sarili para sa ating kaligtasan. Hindi siya ang hinahandugan. Siya ang naghahandog. Hindi siya ang pinaglilingkuran. Siya ang naglilingkod. Hindi tayo ang nagbubuwis sa kanya. Siya pa nga ang nagbayad ng buwis - ibinuwis ng buhay para sa atin. Ganyan tayo iniibig ng Diyos. Sino ang makaiibig sa iyo nang higit rito? Sino ang maglilingkod sa iyo nang tulad nito? Sino ang handang mamatay para sa iyo? Sino ang handang umibig sa iyo nang walang pag-iimbot? Tandaan mo na kung tayo man ay malinis, ito ay sapagkat ibinuwis ni Hesus ang kanyang buhay. Inibig niya tayo hanggang wakas.

Ave Maria Purissima!

No comments:

Post a Comment