Monday, June 27, 2011

Need for Real Education in the Faith



Bishop Honesto F. Ongtioco, Bishop of Cubao, gave this homily during the Mass of the Holy Spirit this morning at the Immaculate Conception Cathedral of Cubao:






Noong nakaraang Huwebes, naging panauhin ng kaparian ng Cubao si Bishop Ambo David ng Pampangga. Nagbigay siya ng panayam tungkol sa kaugnayan ng Salita ng Diyos sa buhay at gawain ng mga pari. Sa pagwawakas ng kanyang panayam nabanggit niya ang suliranin ng Simbahan sa Europa: ang paglaganap ng sekularismo at ang mabilis na kamatayan ng pananampalatayang Kristiyano sa Europa. Napaisip ako sa sinabi niyang ang isa sa mga instrumento ng paglaganap ng sekularismo sa Europa ay ang edukasyon. Habang nagiging edukado ang mga tao, lalo naman silang napapalayo sa Simbahan. Marahil, isa itong indikasyon na hindi na nagagampanan ng mga paaralan at pamantasang Katoliko ang kanilang naatasang gawain bilang tagapaghubog sa pananampalataya.

Marahil, madali para sa atin ang ipagwalang bahala ang kalagayan ng Simbahan sa Europa sapagkat tila malayo ito mangyari sa Pilipinas. Sa pag-aakala ng marami, Katoliko sarado pa rin ang ating bansa: punung puno pa rin ang maraming simbahan at iginagalang pa rin ng marami ang mga pari. Subalit ganito rin ang Europa noong dekada singkwenta: punung puno rin ang mga simbahan, iginagalang ang mga kaparian, ang kulturang Europeo ay malinaw na kulturang Kristiyano. Subalit, sa loob lamang ng napakaiksing panahon, ay baliktad na ang kalagayan: wala nang nagsisimba, hindi na pinakikinggan ang turo ng mga Obispo, napakarami nang nagtatwa sa kanilang pananampalataya.

Kung tutuusin, nakikita na natin dito sa ating bansa ang mga palatandaan ng sekularismo: ang lumalaking hayagang pagsang-ayon ng maraming mga katoliko sa RH at sa diborsyo. At totoo na ang edukasyon ay ang instrumento ng mabilis na pagguho sa pananampalatayang kristiyano. Hindi ba ang mga pangunahing mga tagapagsulong ng mga makabagong pananaw na salungat sa mga turong Kristiyano ay ang mga “edukado” – silang mga may mataas na pinag-aralan? Saan tayo nagkulang? Ano ang nangyari sa mga pamantasan at paaralang Katoliko? Naging tanyag ang ating mga pamantrasa’t paaralan sa paghubog ng mga graduates na bihasa sa kani-kanilang larangan ng pag-aaral. Subalit nagkulang sa paghuhubog sa kanila sa larangan ng pananampalataya. Ang katekismo ay naging malabnaw at nauwi na lang sa “values formation” lamang. Oo nga’t natuturuan natin ang mga kabataan ng kabutihang asal, ngunit higit pa riyan ang dapat nilang matutunan. Kailangan nilang matutunan ang mga aral ng pananampalatayang kristiyano.

Magandang halimbawa ni Manny Pacquiao na minamaliit ng marami dahil sa kanyang hamak na pinanggalingan. Pinaninindigan niya ang turo ng ating pananampalataya hinggil sa RH. Kinukuwento niya na naging bahagi ng buhay ng kanilang pamilya ang panalangin. Tuwing alaskwatro ng madaling araw, tinipon ni nanay Dionisia ang kanyang mga anak para sa sama-samang pagdarasal ng Rosaryo. Ano pa mang hirap ang kanilang pinagdaanan, napagtagumpayan nila ito dahil sa pagtuturo ng kanilang ina. Mula sa kanya natutunan niyang pagpahalagahan ang Simbahang Katolika at ang kanyang mga katuruan.

Mula sa kuwento ng pambansang kamao, natututunan natin ang halaga ng tunay na katekesis. Religion must once again be the core of the curriculum of our Catholic schools. Yes, we want to produce competent graduates but we must never forget that the purpose of Catholic education is “education in the faith.” Ang siryosong at tapat na katekesis sa ating mga paaralan at pamantasan ang magpapaampat sa mabilis na paglaganap ng sekularismo. Sabi ng ating Santo Papa: “Concern for young people calls for courage and clarity in the message we proclaim; we need to help young people to gain confidence and familiarity with sacred Scripture so it can become a compass pointing out the path to follow. Young people need witnesses and teachers who can walk with them, teaching them to love the Gospel and to share it, especially with their peers, and thus to become authentic and credible messengers.” (Benedict XVI, Verbum Domini, 104.)

Napakasimple ng mga palatandaan ng matagumpay na katekesis. Narinig ko ito kay Msgr. Gerry Santos: Alam natin na nakapagbigay tayo ng epektibong katekesis kapag nakita natin ang mga kabataan na nagsisimba at marami sa kanila ang mahikayat na magpari at mag madre. Reality check lang mga kapatid: ilan sa mga estudyante ninyo ang nag pari at nag madre?

Sa Misang ito sa karangalan ng Espiritu Santo, muli nating italaga ang ating sarili sa tunay na paghuhubog sa pananampalataya. Maging masigasig tayo sa katekesis at hingin natin ang tulong ng Espiritu ng katotohanan upang gabayan niya tayo sa lahat ng katotohanan at ang mga kabataan ay maakit na sumunod sa yapak ni Kristo.

Sabi nga ng Santo Papa: “Study centres supported by Catholic groups offer a distinct contribution to the promotion of culture and education – and this ought to be recognized. Nor must religious education be neglected, and religion teachers should be given careful training. Religious education is often the sole opportunity available for students to encounter the message of faith.” (Verbum Domini, 111.)

No comments:

Post a Comment